Eleksyon 2016: Ang Bayan kontra sa Nacion


Sa gitna ng isang magulo at nakaka-litong eleksyon sa Pilipinas, ang isang masusing pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng bansa — mula sa mata ng mga Pilipino at hindi ng mga dayuhan — ang maaaring magbigay kasagutan sa lahat ng mga tanong.

 

John Gabriel Pabico Lalu  |  Editor-in-chief, The Muralla

 

(Huli sa dalawang parte)

 

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, nagkaroon ng malawak na talakayan, bagamat paminsan ay bangayan, patungkol sa eleksyon sa Pilipinas.  Maaaring sabihin na oo, pinag-uusapan naman talaga ng mga Pilipino — ng mga mag-asawa, magkasintahan, magkapatid, magkaibigan, magkaklase — ang kahihinatnan ng isang eleksyon.  Nanonood din naman ang mga tao ng mga balita at debate sa telebisyon, kaya imposibleng hindi iniintindi ng Pilipino ang pulitika.

Pero ngayon lang kasi nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na sumang-ayon o umalma sa mga balitang nakikita, nababasa, o naririnig nila.  Sa mass communication o mass media kasi, mababa ang chance of feedback o ‘yong pagkakataon ng audience na makapagparating ng saloobin.

Kung gagamitin ang theory ni Berlo tungkol sa pakikipagtalakayan; ang sender ay ang mga media companies (ABS-CBN, GMA7, TV5, CNN PH), ang message ay ang pagpili sa tamang kandidato; ang channel ay ang television sets niyo; at ang receiver ay ang mga manonood.

Binago ‘yan ng new media, o ng internet.  Dahil mabilis ang palitan ng impormasyon at ng mensahe, nagkaroon ng kapangyarihan ang mga tao na magsalita tunkgol sa isang issue — kaya naman naglipana ang mga diskusyon sa social networking sites sa kung sino ang mas magaling sa mga kandidato.  Hindi bago ang batuhan ng putik tuwing eleksyon, pero mas malawakan ang siraan ngayong 45% na ang internet pentration sa bansa — mula Luzon hangang Mindanao ang sigawan.

Pero kahit pa gaano ka-unlad ang technology ng eleksyon, mula sa automated elections hanggang sa citizen journalism gamit ang mga smartphones, ang lahat ng kaguluhan ay sanhi ng isang matagal nang hidwaan sa pagitan ng mga Pilipino.

Ang problema lang, iilan lamang ang nakaka-alam o nakakakita sa problemang ito.

 

Ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan

Maraming mga tanong: bakit nga ba malakas ang hatak ni Jejomar Binay, lalo na ni Rodrigo Duterte, sa masa?  Bakit parang pang-mayaman ang pakikipag-usap ni Mar Roxas, Grace Poe, at ni Miriam Defensor-Santiago?  Bakit malaking bagay ang educational attainment para kay Roxas at Defensor?  Bakit mahirap pa rin ang tingin ni Binay sa sarili niya, kahit pa gaano siya ka-yaman?  At bakit mahirap ang tingin ng marami kay Duterte, samantalang ang ordinaryong Pilipino ay hindi kailanman makakahawak ng milyon-milyong salapi?

Sa lahat ng tanong, dalawa lamang ang sagot:  kaya malakas ang hatak ni Binay at Duterte sa masa, at ang pagiging “mahirap” ang packaging nila, ay dahil sa si Andres Bonifacio, na medyo mayaman din naman, ay palaging minamaliit ng mayayaman, ngunit palagi namang minamahal ng masa.

Kaya pang-mayaman ang dila ni Roxas, Poe, at Santiago, at malaking bagay ang educational attainment para sa kanila, ay dahil si Jose Rizal ay nagsulat ng kanyang mga obra gamit ang isang banyagang salita, at ang pinaka-importanteng bagay para sa kanya ay edukasyon.

Lingid sa kaalaman ng marami na ang problema at puna na hinarap ni Bonifacio at ni Rizal noon ay buhay pa rin sa makabagong panahon.  Ang mga kritikismo na ibinabato sa dalawang ito, ay binabato pa rin naman hanggang ngayon.

At halos pareho lang naman ang aspeto ng lipunan noon at sa kasalukuyan.

Ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, isa sa mga nangungunang historian ng bansa, at sa iba pang propesor na nagtuturo ng Bagong Kasaysayan o ng Pang-tayong Pananaw, mayroong dalawang nagbabangaang pwersa sa lipunang ito.  Nandito ang Bayan o ang masa na mai-uugat pa sa Katipunan na binuo nila Bonifacio, Emilio Jacinto, Ladislao Diwa at iba pa (Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga Anak ng Bayan); at ang Nacion, na nagmumula sa mga elite at sa linya ng mga ilustrado katulad nila Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, at marami pa.

Kung pagbabasihan ang konsepto ni Salazar, ang Kasaysayang Kapilipinuhan: Bagong Balangkas (makukuha sa bagongkasaysayan.org), nagmula ang ideya ng isang bayan sa mga nabuong pamayanan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, bago pa man dumating ang mga Kastila.  Mula sa mga simpleng balangay, nagkakasundo ang mga datu upang bumuo ng isang alyansa, o ng isang bayan.

Nang mapasailalim ng Espanya ang Pilipinas, nagulo ang nasabing sistema — sapagkat ang mga Kastila ang namuno sa pulitikal na aspeto ng pamumuhay ng mga Indio.  Sinubukang buhayin ni Bonifacio ang kaisipang Bayan (Haring Bayang Katagalugan) sa anyo ng Katipunan, sa pamamagitan ng isang himagsikan, upang kumawala sa pagiging isang kolonya.  Ang mga batas (Kartilya ng Katipunan) na ginamit ni Bonifacio at Jacinto ay naaayon sa mga kaugalian ng mga sinaunang Pilipino.

Sa kabilang banda, nabuhay ang konspetong Nacion sa paglalayon ng mga ilustrado na ayusin, imbis na baguhin, ang sistema ng Espanya.  Dapat tandaan na bagamat sinasabi ni Rizal na gusto niya ring maging malaya mula sa conquistadores, ang ipinaglaban niya sa Madrid ay para sa anexacion o ang pagiging opisyal na probinsya ng Pilpinas ng Espanya.  Gusto ni Rizal at ng kanyang mga kasama ng pantay na karapatan sa pagitan ng mga Kastila at Indio, at representasyon sa Cortes ng Espanya.

Bagamat tinitingala ni Bonifacio at ng Bayan si Rizal dahil sa pagbibigay ng inspirasyon upang tuluyan nang mag-aklas, kapuna-puna ang pagkakaroon ng pagtingin sa Espanya dahil sa oportunidad na ibinigay sa mga ilustrado para makapag-aral sa ibang bansa.  Kapuna-puna rin na habang naghihirap ang maraming tao sa Pilipinas ay marangya ang buhay ng maraming miyembro ng Nacion sa Espanya.

Iniisip naman ng mga ilustrado na masyadong padalos-dalos at nagpapadala sa emosyon ang mga nasa Bayan, samantalang pwede namang magkompromiso.  Dahil sa nakapag-aral sila sa magagandang unibersidad, pakiramdam ng mga nasa Nacion ay dapat lamang na makinig ang mga tao sa kanila, at sumunod sa mga desisyon nila.  Katulad nang magbigay ng anyaya si Bonifacio na itakas si Rizal mula sa Dapitan: si Rizal ang nasunod, dahil sa paniniwala niya, hindi pa handa ang bansa para sa isang malaking digmaan.

 

Eh ano ngayon?

Kung ganito nga ang lipunan ng bansang ito, ano pa ba ang pwedeng gawin para mapag-isa ang Bayan at ang Nacion?

Dapat tandaan na wala pa man ang kaisipang Nacion ay buo na ang Pamayanan at ang Bayan.  Ang problema lamang, dahil sa pagmamaliit ng mga dayuhan sa katutubong kultura (hindi lamang ng Pilipinas kundi pati ng buong Asya at silangan), sinubukan ng mga tao na maging katulad ng Kastila o ng mga kanluranin.  Ang pananamit, musika, sayaw, kaisipan ay kapara na ng sa kanluran.  Si Rizal ay maituturing na “Filipino”, sapagkat ang mga Filipino ng panahong iyon ay ang mga Kastilang ipinanganak sa kapuluang ito.

Mas Kastila si Rizal kaysa sa pagiging Tagalog niya.  Si Bonifacio ang totoong Tagalong, o Pilipino — sumulat gamit ang wika niya, pinag-aralan ang sining niya.  Bakit nga ba sumisigaw ng “Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban” ang mga aktibista?  Bakit naging sukatan ng katalinuhan ang pagiging isang abugado?

Marahil ay dapat tignan ang mga pangyayari sa buhay ni Bonifacio para masagot ang mga tanong.  Mayroong laban ang Bayan sa kasalukuyan, na katulad din ng pakikibaka ni Bonifacio — ang pag-aaklas kontra sa kahirapan at kagutuman, at sa pagmamaliit ng ibang miyembro ng nacion.  Kapara ito ng paghamak kay Bonifacio nang maihalal siya bilang Sekretarya ng Interior sa Tejeros Convention: ang kailangan, di umano, ay isang matalinong abugado, at hindi si Bonifacio ‘yon (dahil hindi naman siya aral ng pormal).

Ito mismo ang paliwanag kung bakit ang masa ay nasa likod ni Duterte at Binay, at bakit ang mga estudyante at mga intelektwal ang pawang sumusuporta kay Roxas, Poe, at Santiago.  Si Duterte ay nagbibigay ng pangako ng isang magandang kinabukasan, matapos ang pamumuno ng isang elite, na para sa karamihan ay wala hindi naman nagbunga ng maganda.  Si Binay, nagsasabi na kaya niyang ayusin ang problema, bilang isang taong nanggaling sa hirap.  Takot ang mga negosyante na suportahan ang kandidatura ng dalawa, sa kadahilanang populist o maka-masa ang plataporma nila — at walang basehan o kasiguraduhan na aandar ang mga plano nila.

Si Roxas ay nagsasabi na itutuloy ang pagpapa-unlad sa ekonomiya, habang ang iyak ng masa ay ang mga nasa nacion lang ang pawang nakakaramdam.  Si Poe, na nagsusulong ng sabay-sabay na pag-unlad, ay hindi sigurado sa pagtanggal ng contractualization na umaapi sa mahihirap.  Si Santiago, ibinabalandra ang kanyang mga napag-aralan habang minamaliit ang mga hindi nakapag-aral, sa pamamagitan ng pagsasabi na mas mahalaga ang boto ng mga edukado.

Ibig sabihin ba nito ay palaging matapang, mapagmahal sa bayan at sa mahihirap ngunit padaskol-daskol, marahas, at hindi nag-iisip ng mabuti ang Bayan at si Bonifacio?  Ibig sabihin ba nito ay palaging mapanuri, lohikal, ngunit makasarili at ganid ang Nacion at si Rizal?

Hindi ba maaaring misrepresented lamang ang mga lider ng bawat paksyon?  Kung pag-uusapan ang galing at moralidad, at kung pamantayan si Bonifacio bilang pinuno ng Bayan, at si Rizal bilang utak ng Nacion, gaano ka-lapit o ka-layo ang mga kasalukuyang tumatakbong para maging pangulo?

Malapit ba si Duterte o si Binay sa pagiging katulad ni Bonifacio?  Si Roxas, si Poe o si Santiago ba ay kapara ni Rizal?

Naniniwala ang mga dalubhasa na darating ang panahon at mangingibabaw muli ang Bayan.  Pero kung sila ang kandidato ng mga nasabing ideya, mukhang matagal pa bago mabuhay ang Haring Katagalugan.  Pero magiging mabuti rin nga ba kung ipagpapaliban ang pagbabalik ng Bayan at bumoto ng kandidatong mula sa Nacion?

Vote wisely.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s